Ang UTI o Urinary Tract Infection ay isang impeksyon sa ating urinary system na dala ng mga bacteria.
Ang mga babae ay kadalasang dinadapuan nito kumpara sa mga lalaki. Ito ay dahil malapit ang urethra ng mga babae sa kanilang puwet kung saan nanggagaling ang E. coli bacteria na normal na natatagpuan sa dumi ng tao.
MGA SINTOMAS NG UTI
1. MASAKIT NA PAG-IHI
Makakaramdam ng mainit at masakit na pag-ihi dahil naiirita ang bladder at urethra dahil sa impeksyon.
2. MAKAKARAMDAM NG LAGING PAG-IHI
Palagi kang naiihi ngunit konti lang ang lumalabas. Ito ay dahil sa irritation ng bladder at magpaparamdam ng ihi kahit walang laman na urine ang bladder.
3. MAPANGHING IHI
Ang ihi ay mapanghi ngunit kung ikaw ay merong UTI, mas mabaho ang amoy nito. Dahil ito sa bacteria na humahalo sa ihi na syang nagdudulot ng masangsang na amoy.
4. KULAY PULA OR NAMUMULANG IHI
Ang malabong itsura ng ihi o namumula ay senyales na may dugo sa ihi. May mga pagkakataon ding madilaw at mabula ang ihi.
5. PANANAKIT NG PUSON AT LIKOD
Maaari ding makaramdam ng pananakit sa puson at likod.
6. PANGHIHINA AT LAGNAT
Kapag umabot na ang impeksyon sa kidney, makakaranas na ng lagnat, pagsusuka at panghihina ng katawan. Kailangan na itong gamutin agad dahil ang kidney infection ay maaaring kumalat sa mga daluyan ng dugo at magreresulta ito ng maraming karamdaman sa buong katawan.
PAANO MAKAKAIWAS SA UTI?
- Uminom ng 8-10 basong tubig araw-araw. Makakatulong ito upang mailabas at malinis ang ihi.
- Kumain ng mga prutas at gulay na mayaman sa antioxidants.
- Kapag naiihi na, pumunta na agad sa banyo, huwag ng ipunin at patagalin ang ihi.
- Para sa mga kababaihan, ang tamang pagpunas kapag galing sa banyo ay mula harap palikod upang hindi mapunta ang bacteria sa pwerta.
- Makakatulong ang pag-inom ng cranberry juice o buko juice upang malinisan ang ating katawan. Nagsisilbi din itong diuretic na naglalabas ng mga toxins sa ating katawan.
- Ugaliing maghugas bago at pagkatapos makipagtalik. Huwag ding makipagtalik sa iba’t ibang tao upang hindi mahawa.
- Susuriin ng Doctor ang urine upang malaman kung gaano kalala ang infection at kung anong bacteria ito. Dahil dito, makakapagbigay ng tamang gamot at dosage ang Doctor.
- Tiyaking ubusin ang gamot upang hindi bumalik ang impeksyon at mapuksa ang bacteria.